In time of difficulties, we must not lose sight of our achievements.

TO WRITE NOT FOR THE PEOPLE IS NOTHING

Posted on: February 20, 2010

Pinakamataas na pagpupugay sa nakikiisa’t nagtataguyod ng karapatan sa pamamahayag!

Dalawang taon na ang nakalilipas magbuhat ng tanggalin sa dating proseso ng koleksyon ng bayarin ang The Catalyst at SKM. Dalawang taon na rin buhat ng maging bahagi ako ng TC. Sa dalawang taon kong pamamalagi sa TC, naabutan ko ang TC na nasa krisis, lugmok at pahirapan sa pagprodyus ng dyaryo. Subalit gayunpaman, sa kabila ng hirap na nararanasan ng bawat isa, ramdam na ramdam ko ang pag-ibig ng bawat manunulat at dibuhista sa publikasyong nakipaglaban para sa karapatan ng mga estudyante. Aminado akong minsan din akong nagtangkang iwan ang publikasyon na ito ngunit napag-isip-isip ko, hindi naman ako kawalan, sila ang kawalan ko.

Halos ilang buwan na rin hindi nakakapaglabas ng regular na isyu ang The Catalyst. Kung babaybayin natin ang nakalipas, walang kompirmasyong tinanggal ang dalawang naturang institusyon sapagkat sa mata ng administrasyong Guevarra balakid ang The Catalyst at SKM sa kanilang hangarin. Dahil hindi kailanman nila maisasagawa ang kanilangg anti-estudyanteng polisiya hanggat buhay ang kanilang aktibong kritiko na mahigpit na nakaugat sa tunay na paglilingkod sa interes ng malawak na hanay ng masa at kapwa Iskolar ng Bayan. Dahilan kung kaya pilit nilang pinapatay ang ating konseho’t publikasyon.

Ang pagkakatanggal ng The Catalyst at SKM sa breakdown ng bayarin sa miscellaneous fee ay isang manipestasyon lamang ng papaigting na komersyalisasyon, rasyonalisasyon at pagtatangka ng pagsasapribado ng administrasyong Guevarra sa ating sintang paaralan. Ito ang una nyang hakbang upang pilayan ang kanyang kritiko na naglalantad ng kabulukan ng kanyang pamamahala, kung kaya’t naglunsad sya ng opensiba sa aming mga estudyante na syang nagsasagawa’t nagsasapamuhay ng laban na dapat sya ang pangunahing gumagawa. Para sa akin, kung ikukumpara sya kay Dr. Nemesio Prudente, wala sya ni katiting man lang sa talino’t kahusayan ng sumakabilang buhay na natatangi nating pangulo ng PUP.

Sa kasalukuyan, lubos na nakapinsala sa sirkularidad ang pagkakatanggal ng TC sa dati nitong proseso sa pag-unlad ng ating publikasyon. Kung kaya’t hindi kami makatugon sa pagprodyus ng regular na buwanang isyu na lubha naman naming ipinagpapaumanhin. Bilang institusyon na sumasandig sa batayang pinansyal, tunay na apektado ang TC, sapagkat ang aming pluma ang syang aming pangunahing sandata sa paggapi sa taksil ng bayan. Ang kasalukuyang kalagayan na nangyayari sa ating publikasyon ay indikasyon lamang na nagpapakita na sikil ang karapatan sa pamamahayag na dapat tinatamasa ng manunulat ng The Catalyst. Pilit inaagaw ang aming pluma kaalinsabay ang aming karapatan na paunlarin ang aming mga sarili sa larangan ng pagguhit, pagsulat at larangan ng pamamahayag.

Apektado kami, Oo. Ngunit hindi ibig sabihin noo’y ibabaon na namin sa limot ang nasimulang laban ng naunang nagtaguyod ng ating publikasyon. Patuloy ang pagsulong ng The Catalyst at ng mga Iskolar ng Bayan laban sa komersyalisasyon, pribatisasyon at represyon na sistematikong sumisikil sa batayang karapatan hindi lamang ng mga estudyante ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas kundi maging ng buong komunidad nito.

Ang The Catalyst ay publikasyon, ngunit hindi kami nagpapakupot lamang dito. Hindi lang kami nagsusulat, gumuguhit at namamahayag kundi aktibong ring lumalahok sa kilos-protestang isinasagawa ng maka-masang organisasyon na naglulunsad ng parliamentong pakikibaka laban sa unibersal, prinsipal at partikular na nang-aapi’t nagsasamantala sa malawak na hanay ng masang anakpawis.

Kung pagbabatayan ang nakaraan at kasalukuyan, ito ay isa sa pinakamasaklap na kalagayang nararasan ng The Catalyst sa mahigit dalawangpu’t apat na taong laban nito sa pagsusulong ng maka-estudyante’t maka-masa nitong panulat. Dagok mang maituturing, hindi titigil ang The Catalyst sa malayang panulat nito bunsod man ay kahirapan. “Kahirapan ang dahilan kung bakit kami lumalaban, ngunit hindi kahirapan ang magiging dahilan kung bakit ititigil ang pakikipaglaban na ito.” Babangon at babangon ang The Catalyst ano man ang mangyari. Ngunit hindi naming ito magagawa kung wala ang aming magiging katuwang sa pakikibaka. Naniniwala kaming may isang libo’t isang paraan kung kaya’t hinihingi namin ang inyong maalab na pakikiisa sa pakikipaglaban para sa malayang pamamahayag at pagsusulong sa batayang karapatan ng nakararami!

Hindi lamang ito laban ng The Catalyst, laban din ito ng mga Iskolar ng Bayan para sa karapatang makaalam. Huwag nating hayaan malusaw ang publikasyong humalili sa mga Iskolar ng Bayan. Ang pagsubok na aming kinakaharap ay hindi lang dapat ipinaglalaban ng minsanan o palagian ngunit panghabambuhay. Dahil hanggat hindi natin nakakamit ang lubos na tagumpay, tuloy ang laban!


Makiisa sa laban ng THE CATALYST at SKM!

DEFEND CAMPUS PRESS FREEDOM!
DEFEND ACADEMIC FREEDOM!

DEFEND THE CATALYST AND SKM!

Leave a comment


  • None

Categories